Sangkaterbang bote ng vape products ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue at PNP Criminal Investigation and Detection Group sa isang bodega sa San Pablo City, Laguna.
Bunga ito ng ikinasang operasyon ng mga otoridad sa naturang lugar nitong Marso 11, 2024 kung saan arestado rin ang dalawang indibidwal.
Sa ulat, nasa kabuuang 102,900 bote ng mga vape products ang nasabat sa lugar na tinatayang may katumbas na Php75.7 million na tax deficiency.
Ayon kay BIR Commisioner Romeo Lumaggui Jr. ang nasabing operasyon ay bahagi ng pagsuporta ng kanilang kawanihan sa whole of government approach na pagsugpo sa illicit vape products sa bansa kung saan binanggit din niya na seryoso ang kanilang kagawaran na habulin ang mga nagbebenta ng vape na hindi rehistrado o hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Samantala, kaugnay nito ay mahaharap naman ang dalawang arestadong suspek sa mga kasong kriminal na may kaugnayan sa paglabag sa retur and payment of excise tax on domestic products, at payment of excise taxes on imported articles, cigars, and cigarettes.
Gayundin sa mga kasong may kaugnayan sa bigong paghahain at pagbibigay ng tamang impormasyon at pagbabayad ng buwis, at pare-remit ng withheld and refund ng mga sobrang compensation; at unlawful possession o removal of articles subject to excise tax without payment ng tax; at gayudin ang attempr to evade and defeat tax ng National Internal Revenue Code.
Samantala, kaugnay nito nanawagan naman sa publiko ang BIR na agad na ipagbigay alam sa kanilang tanggapan kung may nakita silang tambakan, bodega, o tindahan ng vape sa kanilang lugar dahil sa oras aniya na mapag-alaman ng ahensya na hindi ito rehistrado o nagbabayad ng buwis ay titiyakin nitong papanagutin nila ito sa batas.