Mahigit isang dosenang sasakyang pandagat ng China ang bumuntot at nagtangkang harangin ang dalawang bangka ng Pilipinas na nagdadala ng mga suplay sa mga tropang nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Gayunman, sinabi ng National Task Force for West Philippine Sea (NTF-WPS), matagumpay na naisagawa ang rotation and reprovision (RORE) mission na isinagawa ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP-WesCom) at Philippine Coast Guard.
Sinabi ng maritime security expert na si Ray Powell na hindi bababa sa 13 Chinese vessels ang namonitor sa lugar noong isinasagawa ang resupply mission.
Isa na rito ang isang CCG vessel na may bow number 4301 na umano’y bumuntot sa BRP Cabra at BRP Sindangan habang tinatahak nila ang daan patungo sa Sabina Shoal habang ini-escort ang mga Unaizah May supply boats.
Dalawang karagdagang sasakyang pandagat ng CCG na may bow number na 5201 at 21551 ang nakita rin malapit sa shoal mula noong gabi ng Oktubre 3 at nasa lugar pa rin nang isinasagawa ang nasabing resupply mission.
Bukod dito ayon kay Powell, mayroong 10 chinese maritime militia vessels na nakapaligid sa Ayungin Shoal, na tila bumubuo ng barikada upang pigilan ang pagpasok ng mga supply boat.
Una nang sinabi ng NTF-WPS na ang resupply mission sa Ayungin Shoal at ang maintenance ng BRP Sierra Madre ay bahagi ng regular na operasyon alinsunod sa domestic at international law, at tinitiyak ang kaligtasan ng mga nakatalagang tauhan sa naturang lugar.