Mahigit 1,200 kandidato na ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023 ang nabigyan ng show cause order dahil sangkot ang mga ito sa premature campaigning.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) spokesperson John Rex Laudiangco sa higit 1,200 na napadalhan ng show cause order ng task force Anti-Epal o dating task force against illegal premature campaigning, nasa 300 pa lang ang tumutugon.
Babala ng poll body, mahaharap sa kaso ang sino mang lokal na opisyal na makikialam sa pagpapalabas ng show cause order at pagtanggal sa illegal campaign materials para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Nauna nang sinabi ni Comelec chairman George Garcia na nakatanggap sila ng mga ulat mula sa kanilang mga lokal na tanggapan na may mga lokal na opisyal sa Bulacan, Laguna, at Surigao na naglabas ng mga banta laban sa mga tauhan ng poll body.