CENTRAL MINDANAO-Patay ang isa sa mga suspek sa karumal-dumal na masaker sa Maguindanao at nahuli ang kanyang kasama sa operasyon ng mga otoridad.
Nakilala ang nasawi na si Edsrail Guiomla alyas Nas Guiomla habang nahuli naman si Gambayan Kasim alyas Lori Alip,mga residente ng Brgy Timbangan Shariff Aguak Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Arnold Santiago na ni-raid ng mga pulis ang tahanan ng mga suspek ngunit nanlaban si Guiomla.
Pinaputukan umano ng suspek ang raiding team kaya napilitan itong barilin ng mga otoridad.
Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan si Guiomla habang nahuli naman ang kanyang kasama na si Kasim.
Narekober sa mga suspek ang isang kalibre.45 na pistola at isang granada.
Matatandaan na unang nahuli ng pulisya si Faisal Dimaukom sa Brgy Kabengi Datu Saudi Ampatuan Maguindanao na kasama sa mga isinangkot sa masaker.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng mga otoridad ang mga nakakalayang suspek na sangkot sa masaker sa Sitio Masalay Brgy Salman Ampatuan Maguindanao na ikinasawi ng 58 ka tao kabilang na ang 32 Mamamahayag noong Nobyembre 23,2009.