NAGA CITY – Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang magsasaka matapos makuryente sa Brgy. Bulo, Buenavista, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Teodolfo Escala, 51-anyos, residente ng Brgy. Bagong Silang sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office napag-alaman na dakong alas-3 ng madaling araw nang umalis ang kaniyang asawa sa kanilang bahay para pumunta sa Barangay Bulo para mag-copra.
Ngunit dakong alas-5:30 naman ng umaga nang madiskubre ng isang Felizardo Gonzales ang katawan ng biktima na wala nang buhay malapit sa puno ng niyog at mayroong indikasyon ng pagkakakuryente sa kaniyang kanang braso.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nakita rin umano ni Gonzales ang isang wire na nakalaylay sa sampayan ng mga damit na pinaniniwalaang naging dahilang ng pagkamatay ng biktima.
Sa ngayon wala naman umanong nakitang indikasyon na nagkaroon ng foul play sa naturang pangyayari.