-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang isang magsasaka matapos mataga ang kanyang leeg sa Brgy. Bagbag sa bayan ng Solsona.

Ang biktima ay isang 42-anyos na lalaki, habang ang suspek naman ay si Reynald Reyes, 23.

Kapwa sila tubong Brgy. Namruangan Cabugao, Ilocos Sur ngunit naninirahan sa bayan ng Solsona.

Base sa imbestigasyon ng PNP Solsona, alas-9:20 kagabi nangyari ang pananaga, kung saan nakahiga umano ang suspek sa sala ng bahay ng biktima.

Bigla na lamang umanong kumuha ng itak ang suspek at pumunta sa likod ng bahay kung saan naroon ang biktima, at doon na niya tinaga ito sa leeg.

Agad namang itinakbo sa Piddig District Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.

Kagabi rin ng pasado alas-11:00 ay isinuko ng mga opisyal ng barangay sa PNP ang suspek.

Napag-alaman na bago ang insidente ay palagi umanong pinagsasalitaan ng biktima ang suspek at ito ang tinitignang dahilan ng insidente.

Sa ngayon ay nasa kustudiya na ng PNP ang suspek.