KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang monitoring at damage assessment ng Office of Civil Defense (OCD)-Region 12 sa iba’t ibang lugar sa SOCCSKSARGEN matapos na yumanig ang magnitude 6.3 na lindol kahapon ng tanghali kung saan sentro ang Magsaysay, Davao Del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Joeremae Balmebiano, ang information officer ng OCD-12, isinasagawa pa rin ang clearing operation sa pagkuha ng mga datos para sa consolidation ng mga pinsala ng lindol dahil mayroong mga lugar na may naitalang mga bitak, at sira sa mga bahay at gusali.
Nakaantabay din aniya ang mga tanggapan ng barangay, municipal, city at Provincial Disaster Risk Reductions and Management Council sa lahat ng mga lugar sa posibilidad ng mga malalakas na aftershocks.
Sa lungsod lamang ng Koronadal, naitala ang siyam na sugutan na dinala sa South Cotabato Provincial Hospital.
May mga nakita namang bitak sa mga gusali sa Kabacan, North Cotabato at may mga pinsala rin sa barangay hall sa bayan ng Colombia, Sultan Kudarat.