Niyanig ng magnitude 6.2 na lindol ang kanlurang rehiyon ng Chugoku sa Japan noong Martes, na sinundan ng serye ng malalakas na aftershocks, ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA).
Sinabi ng ahensya na ang epicenter ng lindol ay naitala sa silangang bahagi ng Shimane prefecture.
Wala namang banta ng tsunami kasunod ng pagyanig.
Kinumpirma rin ng Japan’s Nuclear Regulation Authority na wala itong natukoy na anumang iregularidad matapos ang lindol.
Naitala ang lindol sa seismic intensity na upper-5 sa 1 hanggang 7 na scale ng Japan.
Samantala, inanunsyo ng West Japan Railway na pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng Shinkansen bullet train sa pagitan ng Shin-Osaka at Hakata bilang pag-iingat kasunod ng pagyanig.
Kilala ang Japan bilang isa sa mga bansang pinaka-aktibo sa seismic activity sa mundo. Tinatayang humigit-kumulang isang-lima ng mga lindol na may lakas na magnitude 6 o higit pa sa buong mundo ay nagaganap sa Japan.











