-- Advertisements --
tiwi

LEGAZPI CITY – Sa kulungan ang bagsak ng magkapatid na itinuturing na Rank 1 at 2 sa listahan ng most wanted persons sa Tiwi, Albay.

Una nang inaresto ng mga otoridad sa Brgy. Naga ang akusadong si alyas “Juan”, 33-anyos, Rank 1 sa listahan.

Habang todo-tanggi sa mga akusasyon ang nakababatang kapatid nito na si “John Felix”, 23 na Rank 2 most wanted sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCapt Justin Noel Josol, hepe ng Tiwi PNP, parehong nahaharap sa kasong panghahalay ang dalawa kung saan 10-counts sa nakatatandang akusado at 8-counts kay “John Felix”.

Batay sa testimonya ng biktima sa pulisya, nagsimula ang pang-aabuso noong Enero 2020 sa magkakahiwalay na insidente subalit nasundan pa sa mga buwan ng Pebrero hanggang Nobyembre.

Hindi rin ito agad na nakapagsumbong dahil sa pagbabanta ng mga akusado na papatayin kung may pagsasabihan ng mga nangyari.

Wala namang inirerekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng mga akusado na ngayon ay nasa kustodiya na ng Tiwi PNP para sa karampatang disposisyon.