-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Isa ang namatay habang nasugatan ang kapatid ng nasawi sa pamamaril ng isang dismissed PNP member sa Barangay Escoting, Diadi Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Jolly Villar, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na nakatanggap ng tawag ang Diadi Police station may kaugnayan sa naganap na pamamaril sa naturang lugar.

Lumalabas sa pagsisiyasat na ang pinaghihinalaan na dismissed PNP member ay nagtratrabaho sa isang game foul farm malapit sa bahay ng mga biktima.

Kahapon ng gabi naganap ang pamaamril sa magkapatid ng biktima kung saan inabangan ng pinaghihinalaan na si Elmer Calibuso ang biktimang si Rex Garnadozo na galing pa sa kanyang maisan.

Nang makita ang biktima ay agad itong pinaputukan ng pinaghihinalaan at sinubukan pang umawat ng kapatid ng biktima na si Fredelito Garnadozo subalit maging siya at binaril sa hita.

Sa ngayon ay inaalam ng mga otoridad ang posibleng motibo sa pamamaril sa magkapatid na biktima.

Inalarma na rin nila ang mga himpilan ng pulisya sa mga karatig bayan ng Diadi para makapaglatag ng checkpoint habang nagtalaga na rin sila ng intelligence operative para tuntunin ang posibleng pinagtataguan ng pinaghihinalaan.

Panawagan naman niya sa publiko na agad magulat sa pulisya kapag may naganap na krimen upang agad na matugunan at madakip ang pinaghihinalaan gayundin na hinihikayat ang mga nakakakilala sa pinaghihinalaan na makipag-ugnayan sa pulisya para sa mabilisang pagkakadakip nito at mabigyan ng hustisya ang biktima.