-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Magpapalabas mamayang hapon ang National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ng tubig sa Magat Dam sa Ramon, Isabela para maiwasang marating ang spilling level dahil sa pagtaas ng pumapasok na tubig bunga ng mga pag-ulan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo cauayan, inihayag ni Engineer Gileu Michael Dimoloy, deparment manager ng NIA MARIIS na nagbigay ng go signal ang PAGASA sa pagpapalabas nila ng tubig sa Magat Dam reservoir mamayang alas kuwatro ng hapon.

Ito ay dahil mula sa 184 meters na water elevation ng Magat Dam noong Huwebes ay umabot na ito sa 187 meters malapit na sa 190 meters na spilling level.

Sinabi ni Engr. Dimoloy na lumaki ang volume ng pumapasok na tubig dahil lumakas ang ulan sa mga watershed areas sa Ifugao, Nueva Vizcaya at Quirino kaya kailagan nilang magpalabas ng tubig para mapanatili ang ligtas na level ng tubig sa dam.

Isang spillway gate ang bubuksan nila na may taas na isang metro.

Ito ay madadagdagan depende sa papasok na tubig sa Magat Dam sa mga susunod na oras.

Pinayuhan ni Engineer Dimoloy ang mga residente malapit sa Magat River at mga tributaries na iwasang mamalagi o tumawid sa ilog para maiwasan ag panganib.