GENERAL SANTOS CITY – Nasa kamay na ng militar ang mag-asawa na parehong miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos sumuko ang mga ito sa Sitio New Kanaan, Brgy. Alegria Alabal Sarangani Province.
Kinilala ni 1Lt. Jessie Hinampas, tagapagsalita ng 73rd Infantry Battalion Philippine Army ang suspek na sina Ramsy Lomasyon, 24-anyos at Rosalie Dubo, 19, parehong residente Malapatan, Sarangani.
Inihayag sa Bombo Radyo GenSan ni 1Lt Hinampas na si Lomasyon ang lider ng Platoon Central, Guerilla Front TALA sa Far South Mindanao Region at front medical officer naman ang babae.
Nagdesisyon umano ang mag-asawa na sumuko sa gobyerno upang makasama ang kanilang 2-taong gulang na anak.
Ngunit sa pagbaba ng mga ito mula sa bukid ay walang isinukong armas matapos na dinisarmahan na umano sila ni Kumander Yoyong.