-- Advertisements --
IMG 20190806 190600

Dahil pa rin sa tuloy-tuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa lahat ng uri ng krimen, anim na katao ang inaresto ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU) sa Ayala Alabang Village dahil sa kidnapping at serious illegal detention.

Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang mga naarestong sina Tan Xiaguang, Zheng Jia Lei, Su Zhiwei Lin Jian Zhou na mga Chinese nationals; Tran Bui Thu Thuy mga Vietnamese at Pinoy na si Virgilion Cuyagan San Juan.

Ayon kay Director Gierran nag-ugat ang kaso sa report ng head ng security ng Alabang Village, Muntinlupa City noong August 5, 2019 dahil sa umano’y biktimang nagpasaklolo sa village.

Ang mga biktima ay mag-asawang nagtatrabaho bilang electrician sa Chinese employer na nagpapatakbo ng online gambling company.

Kinidnap daw sila ng kapwa Chinese nationals matapos mapagsuspetsahang nagsumbong sa Chinese police dahil sa iligal na aktibidad ng kanilang employer.

Tinorture umano ang mga biktima habang nakakulong ang mga ito ng 10 araw sa Clark, Pampanga.

Inilipat ang mga biktima sa 311 Cadena de Amor St., Ayala Alabang Village matapos maalerto ng isa sa mga biktima ang mga kapitbahay sa Clark sa pamamagitan ng pagtapon ng sulat.

Nakahanap naman ng pagkakataon ang lalaking biktima para makatakas at nakapagsumbong sa guwardiya ng village.

Pero hindi niya naisama ang kanyang buntis na asawa sa pagtakas.

Matapos makipag-ugnayan ang guwardiya sa mga otoridad ay agad nagsagawa ng operasyon ang NBI-SAU sa village hanggang sa nahanap nila ang isa sa mga opisina ng kanilang employer pero wala dito ang babaeng biktima.

Tumuloy naman ang opetatiba sa Southkey Hun Alabang, Muntinlupa at dito nakita ang mga suspek.

Gayunman, lumalabas na pinabalik raw sa China ng mga suspek ang asawa ng biktima.

Sumalang na rin ang mga suspek sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor ng Muntinlupa City at nakakulong na sa NBI detention facility.