-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Tatlong mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang sumuko sa mga otoridad sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga rebelde na sina alyas Alex, 47, anak niya na si alyas Pia, 19, at alyas Ana, pawang mga residente ng Tulunan, North Cotabato.

Ang mga rebelde ay mga miyembro nang tinaguriang Guerilla Front Committee 72 na kumikilos sa hangganan ng bayan ng Tulunan at Columbio, Sultan Kudarat.

Sinabi ni alyas Alex na pagod na sila sa pakikibaka laban sa gobyerno at gusto na nilang mamuhay ng mapayapa.

Wala nang tinatanggap na tulong ang mga rebelde sa kanilang kilusan at gutom lang ang inabot nito sa kabundukan, dagdag pa ang krisis sa Coronavirus Disease (COVID-19).

Ang mga NPA ay agad tinurn-over ng Tulunan PNP sa pamumuno ni Major Jun Napat sa tropa ng 39th Infantry Battalion Philippine Army.

Muli namang nanawagan ang pulisya at militar sa mga NPA na bukas ang kanilang pintuan sa mga gusto pang sumuko.