-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nais magbagong buhay at mamuhay ng mapayapa ng mag-amang mga kasapi ng New Peoples Army (NPA) kaya sumuko ito sa mga kawal ng gobyerno sa probinsya ng Cotabato.

Kinilala ang mga sumukong rebelde na sina Ernesto Ugmares Sr. alyas Bobby at Ernesto Ugmares Jr, alyas Ramon,mga residente ng Barangay Magsaysay, Kibawe Bukidnon na mga myembro ng NPA Guerilla Front 57, Southern Mindanao Regional Committee 3 (SRC3).

Sumuko ang dalawang NPA sa tropa ng 72nd Infantry Battalion Philippine Army sa kanilang headquarters sa Barangay Greenfield Arakan Cotabato.

Dala sa pagsuko ng mga rebelde ang dalawang (2) Caliber 38 revolver.

Sinabi ni alyas Bobby na napilitan siyang sumuko kasama ang kanyang anak dahil sa sinseridad ng tropa ng pamahalaan (72IB) na tumulong sa kanyang dalawang anak na babae na magkaroon ng pagkakataong mamuhay ng matiwasay na dati ring mga rebelde.

Walang humpay rin ang pagsisikap ng 72nd IB na tapusin ang 53 taong insurhensiya sa lalawigan ng Cotabato kaya nagtagumpay ito sa kanilang adhikain.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng 72nd IB, 10ID, Philippine Army ang mag-amang NPA para sa custodial debriefing.

Tutulungan naman ang mga mga sumukong NPA sa proseso ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno para kanilang karagdagang tulong.