-- Advertisements --

Kinalampag ni House Committee on Defense senior vice chairman Ruffy Biazon ang pamahalaan na gawing madalas ang pagpatrolya ng mga assets ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa harap nang presensya ng mga Chinese vessels sa karagatang sakop ng bansa.

Sa pagtatanong ng Bombo Radyo, sinabi ni Biazon na dapat sabayan ng Pilipinas ang freedom of navigation operations (FONOPs) ng mga barko ng Estados Unidos sa West Philippine Sea at South China Sea, na inaapela ng kanyang kapwa mambabatas na si House Deputy Speaker Rufus Rodriguez.

Ayon kay Biazon, dapat ikonsidera ngayon ng pamahalaan na makipag-tulungan sa tinaguriang The Quad, na binubuo ng bansang Japan, US, Australia at India, hinggil sa pagpatrolya sa Indo-Pacific region.

Maari rin aniyang magpalipad ng mga air assets ang Armed Forces of the Philippines sa naturang lugar.

“With other countries showing their willingness to face the bully in our backyard, we could explore joining their excercise and FONOPs. It would also be a good opportunity to put our newly acquired naval assets to test,” ani Biazon.

Sa kabila nang inaasahang militarisasyon sa lugar, hindi naman nakikita ni Biazon na hahantong sa giyera ang sitwasyon.

Bagama’t handa man aniya ang China para rito, hindi ito gagawin ng naturang bansa lalo pa kung isang international alliance ang makakabangga nito.

Kahapon, naghain ulit ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs kontra China, na siyang simula nang araw-araw na paghahain ng Pilipinas ng protesta laban sa Beijing hangga’t sa hindi tuluyang umalis ang mga Chinese vessels na nakadaong ngayon sa Julian Felipe Reef, ayon kay DFA Secretary Teodoro Locsin Jr.

Binigyan diin ni Biazon na mayroong “solid basis” ang Pilipinas para igiit ang karapatan sa exclusive economic zone ng bansa kontra China.