LEGAZPI CITY- Kinukwestiyon ngayon ang sinasabing maanomalyang transaksyon ng Albay provincial government sa pagbili ng P36.4 milyon halaga ng lupa sa Barangay Bubulusan, Guinobatan na gagamitin bilang resettlement area ng mga residenteng naapektuhan ng Bagyong Rolly.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Board Member Rolly Rosal, sinabi ito na Nobyembre 10, 2020 umano nang hilingin ni Albay Governor Al Francis Bichara ang pagpasa ng isang resolusyon para sa pagbili ng lupa na may sukat na 145,854 square meters at pag-aari ni Josefina Garcia-Ze.
Subalit ipinagtataka nito kung bakit mabilis na naipasa ang resolusyon gayong wala pang isinasagawang survey upang malaman kung ligtas na pagtayoan ng resettlement area ang lugar.
Natuklasan rin ng opisyal na hindi na pag-aari ni Josefina ang lupa dahil Marso 2018 pa ng maibenta ito sa halaga lamang na P5.4 milyon.
Sa ngayon, pinapaimbestigahan na ni Rosal ang kaso sa NBI at nakatakdang magsampa rin ng reklamo sa Ombudsman.
Samantala, wala pang ipinapalabas na reaksyon si Governor Bichara sa nasabing isyu.










