Inanunsyo na ng Miss Universe Organization (MUO) na ang world-renowned luxury jeweler na Mouawad ang napili nila na maging official crown sponsor ngayong taon.
Batay sa impormasyon, ang headquarters ng nasabing jewelry maker ay nasa Dubai, United Arab Emirates at sa Geneva, Switzerland.
Sa kasalukuyan, suot pa ng Pinay Miss Universe na si Catriona Magnayon Gray ang prestihiyosong Mikimoto crown na kanyang pang nasira ang bahagi ng perlas nito sa kasagsagan ng kanyang homecoming parade sa Pilipinas.
Pero ayon sa MUO, hindi naman big deal ang insidente dahil maaayos daw muli ang Mikimoto crown na gawa ng Japanese jewelry designer na nagkakahalaga ng $250,000 o katumbas ng P12.5 million.
Sa ngayon ay wala pang inaanunsyo ang MUO para sa final venue ng Miss Universe coronation sa darating na Disyembre ngayong taon.
Pero kabilang sa umuugong na nag-aagawang maging host country ay ang United Arab Emirates at South Korea, habang nagpahiwatig na rin daw ang Israel.
Lumikha naman ng ispekulasyon ang pagkalat ng litrato ni MUO President Paula Shugart na dumating sa bansa para raw bisitahin ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Pambato ng bansa ngayong taon ang half Palestinian model na si Gazini Ganados na tubong Zamboanga pero lumaki sa Cebu.