Itinilaga ng Palasyo ng Malakanyang si PNP Deputy Chief for Administration, PLTGen. Emmanuel Peralta bilang Officer-in-charge ng Philippine National Police.
Batay sa ipinadalang memoradum ng Malakanyang na may petsang Marso 27, 2024 kay Department of the Interior and Local Government Sec. Benjamin Abalos Jr. na pirmado rin ni Executive Secretary Lucas Bersamin ay itinatalaga si Peralta bilang OIC ng Pambansang Pulisya epektibo mula Marso 31, 2024.
Ito ay magtatagal hanggang sa makapag-appoint na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng bagong hahalili kay PGen. Benjamin Acorda bilang hepe ng buong hanay ng kapulisan o kung hanggang kailan ang magiging direktiba dito ng Office of the President.
Kung maaalala ang naturang petsa ay ang araw din ng pagtatapos ng extended term ni Acorda Jr. bilang Philippine National Police chief matapos na palawigin pa ni Pangulong Marcos Jr. ang kaniyang pagseserbisyo sa naturang posisyon.
Matatandaan din na noong Marso 27, 2024 sana isasagawa ang retirement honors at change of command ceremony sa Kampo Crame para sa pagpapalit ng liderato ng Pambansang Pulisya ngunit ipinagpaliban ang padaraos nito bukas, Abril 1, 2024 upang magbigay-daan na rin sa paggunita ng Semana Santa.