Pinaplano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itaas sa P250,000 ang subsidya para sa mga tsuper at operator sa ilalim ng PUV modernization program.
Sa isang press conference, sinabi ni suspended LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III na hinihiling ng ahensya sa Kongreso na bigyan sila ng karagdagang P1.2 bilyon para sa subsidy.
Aniya, kapag sumama ang mga ito sa ilalim ng modernization program, may inisyal na P250,000 subsidiya na ibibigay ang pamahalaan.
Bibigyan din ng karagdagang pondo ang mga nakatanggap na ng P180,000 subsidy para sa PUV modernization para maabot ang P250,000 na halaga.
Matatandaang, nagsimula ang PUV modernization program noong 2017 na naglalayong palitan ang mga tradisyunal na dyip na mayroong hindi bababa sa Euro 4-compliant na makina upang mabawasan ang polusyon.
Noong Setyembre naman, nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian na dagdagan ang subsidiya na ibinibigay ng gobyerno para sa modernization program para sa mga PUV.
Ginawa niya ang panawagan sa pagdinig ng Senado sa 2024 proposed budget ng Department of Transportation (DOTr).