Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na kailangan pa rin ng mga provincial buses na magsakay ng mga pasahero sa anumang oras kapag mayroong passenger demand.
Inilabas ng LTFRB ang naturang pahayag para bigyang linaw ang anunsiyo ng mga provincial bus operators hinggil sa window hour scheme ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Paliwanag ng ahensiya na ipinapatupad lamang ang window hour scheme sa mga provincial buses na daraan sa EDSA patungo sa kanilang private terminals na nasa loob ng Metro Manila.
Binigyang diin ng LTFRB na binibigyan ng permit to operate ang mga provincial bus operators na magbiyahe ng mga pasahero sa anumang oras kung dagsa ang mga pasahero at hindi lamang tuwing gabi.
Sinabi din ng ahenisya ang hindi pagsunod ng mga provincial bus operators sa kanilang kasunduan sa MMDA ay malinaw na paglabag ng nakapaloob na kondisyon sa kanilang special permits at certificate of public convenience or CPC to operate.
Babala ng LTFRB na papanagutin ang mga provincial operators na lalabag.
Una rito, ayon sa LTFRB may natanggap silang reports hinggil sa anunsiyo ng provincial bus operators na ang kanilang oras ng pagbiyahe ay tuwing gabi lamang mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga alinsunod sa kanilang window scheme agreement sa MMDA.
Matatandaan na inanunsiyo noong Marso 24 ng MMDA ang simula ng dalawang linggong dry run sa pagbabalik ng mga bus sa kahabaan ng EDSA kung san pinapayagan lamang ang mga ito na dumaan sa EDSA mula alas-10 ng gabi hanggang alas5 ng umaga.