-- Advertisements --

Inihayag ng DOTr na hindi pa abswelto si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III sa kabila ng kanyang pagbabalik sa tungkulin sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian laban sa kanya.

Sinabi ni Bautista na hiniling niya sa National Bureau of Investigation (NBI) na pabilisin ang imbestigasyon kay Guadiz.

Aniya, hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon ng NBI at ito ang gagamiting basehan ng pinal na desisyon.

Matatandaang pinirmahan ni Transportation Secretary Bautista ang special order na ibabalik ang Guadiz noong Nob. 3.

Bilang batayan ng kanyang pagbabalik sa LTFRB, binanggit ng Office of the President ang pagbawi ni Jeff Tumbado sa kanyang naunang mga pahayag.

Si Tumbado ay siyang dating head executive assistant ni Guadiz.

Nauna nang sinabi ni Tumbado na sangkot ang kanyang dating amo sa multimillion-peso anomaly na kinasasangkutan ng mga prangkisa at iba’t ibang transaksyon sa loob ng LTFRB na kalauna’y binawi niya ang kanyang naturang pahayag.