-- Advertisements --
teofilo guadiz iii 2023 10 09 19 07 30

Malugod na ikinatuwa ni Teofilo Guadiz III na sa wakas ay “cleared” na ito sa mga alegasyon ng katiwalian na inilabas laban sa kanya na naging sanhi ng kanyang pagkakasuspinde bilang chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Matapos ang pagdinig sa House of Representatives, sinabi ni Guadiz na nagulat siya nang makaladkad ang kanyang pangalan sa umano’y katiwalian na may kinalaman sa pag-apruba ng prangkisa lalo na sa mga modernized jeepney.

Inakusahan si Guadiz ng kanyang dating aide na si Jeffrey Tumbado ng katiwalian sa isinagawang press conference ng isang transport group noong Oktubre 9.

Iniugnay din ni Tumbado si Department of Transportation Secretary Jaime Bautista at ang Office of the President.

Makalipas ang ilang araw, binawi ni Tumbado ang kanyang pahayag at humingi ng paumanhin kina Guadiz at Bautista.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation si Tumbado ay pina-cite in contempt at iniutos na makulong ng 10 araw dahil sa hindi nito kayang pagtibayin ang kanyang mga alegasyon nang tanungin ng mga kongresista.

Kasunod ng recantation na ginawa ni Tumbado, pitong malalaking transport groups ang nanawagan kay Pangulong Marcos na ibalik si Guadiz sa LTFRB.