Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bukas ito sa pag-aalok ng limang taong prangkisa sa mga jeepney operator bilang bahagi ng negosasyon nito sa transport group na nagkasa ng tigil-pasada.
Sa kasalukuyan, ang LTFRB ay nag-aalok lamang ng isang taong provisional authority para sa jeepney alinsunod sa modernization program.
Ang deadline para sa proseso ng pagsasama-sama para sa mga public utility vehicles (PUV) ay sa Disyembre 31, 2023.
Ayon kay LTFRB chief Teofilo Guadiz III, kapag sumali na ang mga transport group sa modernization program, maibibigay aniya sa kanila ang hinihingi nilang limang taong prangkisa.
Una na rito, tinuloy ng PISTON ang tatlong araw na transport strike nito upang iprotesta ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng gobyerno, partikular ang Disyembre 31 na deadline na ibinigay sa mga jeepney operator para sa kanilang consolidation.
Ayon sa LTFRB, nasa 70% ng PUV operators ang nakasunod na sa modernization program.