Posibleng pumasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang low pressure area (LPA) bukas o sa Biyernes, ayon sa state weather bureau.
Ayon kay weather specialist Aldczar Aurelio, sa mga araw na ito, inaasahang nasa kanluran ng extreme Northern Luzon ang LPA.
Huling namataan ang lokasyon ng namumuong sama ng panahon sa 475 kilometers ng hilagang-kanluran ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan kaninang alas-8:00 ng umaga.
Sa ngayon, mababa ang tiyansang mabuo ito bilang tropical depression sa sunod na 24 oras.
Sakali namang pumasok sa PAR at mabuo bilang bagyo, ito ay tatawaging Ester. Ito na ang magiging pang-limang bagyo sa bansa ngayong taon, kung sakali.
Samantala, ayon sa weather specialist, patuloy namang makakaapekto ang southwest monsoon o habagat sa maraming parte ng Luzon sa sunod na apat na araw.
Una na ngang opisyal na inanunsiyo ng weather bureau ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan kasunod ng onset ng habagat season.
















