-- Advertisements --

Naghahatid ngayon ng ulan sa Visayas, Bicol Region, Quezon at Dinagat Island ang binabantayang low pressure area (LPA).

Ayon sa Pagasa, namataan ang sentro ng LPA sa layong 85 km sa hilagang silangan ng Borongan City, Eastern Samar.

Sa ngayon, maliit ang tyansa nitong maging bagong bagyo.

Maliban dito, nagdadala rin ng maulap hanggang may pag-ulang panahon ang umiiral na easterly windflow.

Partikular na apektado nito ang mga nasa silangang parte ng Visayas at Mindanao.

Samantala, maaga namang nagbabala ang mga eksperto mula sa international weather agencies kaugnay ng isang paparating na sama ng panahon.

Sa inisyal na ulat, isa na itong tropical storm at inaasahan pang lalakas.

Ayon sa Pagasa, hindi pa sila makakapaglabas ng posibleng tamaan ng bagyo dahil napakalayo pa nito sa ating teritoryo.

Kung ganap na makakarating sa Philippine area of responsibility (PAR), bibigyan ito ng local name na Isang.