KALIBO, Aklan – Nailigtas ang isang lolo makaraang tumalon mula sa sinasakyang barko sa karagatang sakop ng Sambiray, Malay, Aklan.

Kinilala ang biktimang si Patrocinio Flores, 60-anyos na residente ng Anini-y, Antique.

Ayon kay Second Class Elmer Asain ng Philippine Coast Guard-Aklan, bigla na lamang itong tumalon mula sa MV Reyna Sentenciada na sinakyan niya galing Maynila at patungo ng Antique.

Nasa ligtas nang kondisyon ang lolo matapos na masagip ng napadaang paraw sa lugar.

Kuwento ng biktima, hindi siya mapakali habang bumabiyahe dahil pakiramdam umano niya ay pinag-iinitan siya ng kapwa mga pasahero.

Habang ang ilang crew at nagulat na lamang nang bigla itong tumalon.

Matapos masagip ay agad itong nilapatan ng first aid at dinala sa Municipal Social Welfare and Development Office-Malay.

Nakatakdang sunduin ng kanyang pamilya ang matanda ngayong araw.