-- Advertisements --

Panalo via technical knockout (TKO) ang Filipino mixed martial arts (MMA) fighter na si Lito Adiwang laban kay Argentinian striker Mauro Mastromarini.

Hindi naging madali ang panalo ng Pinoy fighter matapos maunang magpakawala ng kombinasyon ang Argentinian MMA fighter sa pagsisimula ng unang round.

Ilan sa mga pinakawalan nitong kombinasyon ay komonekta sa katawan ni Adiwang, kabilang na ang kick-punch combo, ilang segundo bago ang KO.

Agad namang gumanti ng right uppercut ang Pinoy fighter na nagdulot ng pagkatumba ni Mastromarini.

Hindi na siya tinigilan ni Adiwang at nagpakawala ng sunod-sunod na punch combo na pawang tumama sa mukha ng kaniyang kalaban, hanggang sa tuluyang ipatigil ng referee ang laban, ilang segundo bago matapos ang unang round.

Dahil sa panalo, hawak na ng tinaguriang ‘Thunderkid’ ang apat na panalo sa ilalim ng One Championship habang nanatili sa dalawa ang kaniyang pagkatalo.

Para sa Argentinian fighter, wala pa itong naipapanalong laban sa One Championship sa loob ng kaniyang dalawang fights sa naturang combat sports league.