Pormal na naghain ng mosyon si Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez upang maglabas ng opisyal na tugon ang House Committee on Justice laban sa liham ng mga abogado ni Vice President Sara Duterte, na kumwestiyon sa kapangyarihan ng komite na dinggin ang impeachment process.
Nag-ugat ang hakbang matapos magpadala ng liham ang anim na abogado ng Bise Presidente kay Committee Chairperson Gerville Luistro.
Nakasaad sa sulat na walang hurisdiksyon ang komite ng Kamara na magsagawa ng tinawag nilang mini-trial, dahil tanging ang Senado lamang umano ang may kapangyarihang lumitis sa ilalim ng Konstitusyon.
Ikinadismaya ito ni Rodriguez at tahasang tinawag na mali ang interpretasyon ng kampo ng respondent.
Ipinaliwanag ni Rodriguez na hindi full-blown na trial on the merits ang ginagawa sa Kamara, kundi isang hearing lamang upang malaman kung may sapat na probable cause ang mga reklamo na pumasa na sa sufficiency in form, substance, and grounds.
Dahil dito, isinulong niya na opisyal na pabulaanan ng komite ang mga nakasaad sa dokumento.
Sa kabila ng tensyon sa usapin ng hurisdiksyon, nilinaw ng mambabatas na patuloy nilang aanyayahan ang kampo ng Bise Presidente sa susunod na pagdinig.
Ito ay upang tiyakin na nasusunod pa rin ang due process at mabigyan ng pagkakataon ang mga abogado na sagutin ang mga partikular na batayan ng mga impeachment complaint.














