Labis ang pagkadismaya ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa panibagong insidente ng hazing sa gitna ng implementasyon ng mas istriktong batas laban dito.
Inihayasg ng liderato ng Senado na kinakailangang makulong nang habambuhay ang mga sangkot sa pagpatay sa 25-anyos na estudyante ng Philippine College of Criminology.
Nanawagan si Zubiri sa mga awtoridad na bilisan ang pagpapatupad ng batas at siguruduhing maaaresto ang mga sangkot sa brutal na kamatayan ni Ahldryn Leary Bravante.
Ikinalungkot pa ng Senador na nangyari ang insidente walong buwan lamang matapos ang pagkamatay din sa hazing ni John Matthew Salilig sa welcoming rites ng Tau Gamma Phi fraternity.
Muling ipinaalala ni Zubiri na sa ilalim ng Republic Act No. RA 11053, o Anti-Hazing Act of 2018, mas mabigat na parusa ang naghihintay hindi lamang sa mga mismong nagsagawa ng hazing kundi maging sa mga taong nasa lugar ng insidente na walang ginawa para ito ay mapigilan.