BAGUIO CITY – Hawak na ng mga otoridad ang pinaghahanap na lider ng isang drug group sa Hilagang Luzon.
Nakilala itong si Christian Alvar Del Prado alyas Sadeek, 37-anyos, tubo ng Sta. Barbara, Pangasinan at residente ng Baguio City.
Siya ang lider ng Sadeek Drug Group at mayroong standing warrants of arrest sa kasong murder at iligal na droga.
Hinuli ito ng pinagsamang puwersa ng Baguio City Police Office, Tubao Municipal Police Station, Philippine Drug Enforcement Agency-Region 1, at Criminal Investigation and Detection Group-Baguio.
Ayon sa mga otoridad, si Sadeek ay high value target ng Directorate for Intelligence ng Camp Crame, Quezon City.
Nadakip si Sadeek sa Sta. Barbara, Agoo, La Union matapos isilbi ang dalawang warrants of arrest nito na may piyansang P260,000.
Nitong Abril 18 ay nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis ng Station 2 ng Baguio City Police Office ngunit iniwasan ito ni Sadeek na sakay ng sports utility vehicle.
Sinundan ito ng pulisya ngunit pinagbabaril sila ni Sadeek na nagresulta para barilin din ito ng mga pulis.
Gayunman, nakatakas pa rin ang drug personality hanggang sa natagpuan na lamang ang ginamit nitong sasakyan sa San Luis, Baguio City, kung saan nakumpiska sa loob ang ilang iligal na droga.