Iginiit ng lider ng paramilitary unit na Rapid Support Forces (RSF) na si Gen Mohamed Hamdan Dagalo, o mas kilala bilang Hemedti na hindi ito makikipagnegosasyon hanggang hindi natatapos ang pambobomba o labanan.
Ayon sa General, walang habas na binobomba ang kanilang fighters simula ng palawigin ang tatlong araw na ceasefire o tigil putukan.
Inihayag pa nito na ayaw nilang tuluyang mawasak ang Sudan at sa halip ay isinisi sa pinuno ng Sudan Armed Forces na si Gen Abdel Fattah al-Burhan sa nangyayaring kaguluhan sa kanilang bansa.
Sa kabila nito, nagpahayag naman ng tila pagsang-ayon si General Burhan para sa face to face talks sa South Sudan.
Una ng pinalawig pa ang ceasefire sa Sudan kasunod na rin ng diplomatikong pakiusap ng mga karatig na bansa gaya ng US, UK at UN para mabigyang daan ang paglikas ng kanilang mamamayan na naiipit sa kaguluhan.
Sinabi pa ng paramilitary unit leader na wala siyang personal na problema kay Army chief Gen. Burhan subalit tinawag niya itong traydor dahil sa pagdadala umano nito sa gobyerno sa mga loyal kay dating Sudanese president Omar al-Bashir na magkatuwang na napatalsik ng army at ng RSF noong 2019 matapos ang inilunsad na malawakang protesta.
Kilala aniya ang rehimen ni dating Sudanese Pres. Bashir na namuno ng tatlong dekada sa kaniyang Islamist ideology at pagpapatupad ng striktong bersyon ng Sharia o batas ng Islam.
Nanindigan din ang paramilitary leader na hindi kalaban ang RSf fighters ng mga sundalo ng Sudan kundi nakikipaglaban sila upang protektahan ang kanilang bansa mula sa relics ng nagdaang gobyerno.
Ayon sa health ministry ng Sudan, umaabot na sa 512 katao ang napatay bagamat ang tunay na bilang ng mga nasawi ay posibleng mas mataas pa dito, habang nasa 4,193 naman ang nasugatan sa labanan.