-- Advertisements --
Libu-libong tao na ang nagsimulang lumikas dahil sa isang napakalaking wildfire sa labas ng Yellowknife na isa sa pinakamalaking lungsod sa hilaga ng Canada.
Ang mga nasabing residente ay nagsiksikan sa lokal na paliparan at sa kalsada palabas ng nasabing bayan.
Daan-daan na rin ang pumila para sa mga emergency military evacuation flight.
Binigyan ng mga lokal na opisyal ang 20,000 residente ng Yellowknife, sa Northwest Territories, ng takdang oras upang lumikas.
Idineklara na ng Northwest Territories ang state of emergency habang nakikipaglaban at inaapula nito ang halos 240 wildfires.
Sa ngayon, nagsasagawa pa rin ang mga awtoridad ng pagtulong sa mga residenteng lumilikas upang makaiwas sa posibleng epekto nito sa kanilang kalusugan.