-- Advertisements --

Tinanggihan at pinabalik ng Thailand ang mahigit 2,000 katao na naglalayong magtago bunsod sa nangyaring karahasan sa Myanmar.

Sinabi ng activist group na Karen Information Center, nasa 2,009 katao na mga internally displaced at nagtatago sa kagubatan ang puwersahang pinababalik sa Myanmar matapos silang makatawid sa border ng Thailand.

Libu-libong mga residente ang tumakas sa Myanmar matapos magsagawa ng pambobomba ang militar gamit ang military jets na ikinamatay ng 10 katao.

Pagkatapos ng airstrike, sinundan ito ng madugong military crackdown na ikinamatay ng 114 katao kung kaya’t umakyat na sa 510 ang kabuuang nasawi sa dahil sa military junta.

Base sa report, ayaw umano ng Thailand na dagsain ng mga refugees ang kanilang bansa kung kaya’y pinababalik nila ito sa Myanmar.

Sa panig naman ng gobyerno ng Thailand, pinasisinungalingan ni Thailand’s Mae Hong Son province governor Thichai Jindaluang ang report na pinababalik nila ang mga refugees mula Myanmar. (with report from Bombo Jane Buna)