-- Advertisements --

Positibong inanunsyo ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang paglulunsad ng programang ‘libreng pamasahe’ sa lungsod.

Ayon kay Mayor Isko Domagoso, ito’y alinsunod sa naganap na pakikipagpulong sa 22 Jeepney Operators and Drivers Associations (JODA) kung saan napagkasunduan ang patungkol sa programa.

Sasaluhin aniya ng lokal na pamahalaan panglungsod ang kita ng mga ‘tsuper’ o jeepney drivers para mapahintulutan magsakay ng libre sa mga komyuter bahagi sa implementasyon ng Executive Order No. 14 series of 2026.

Batay kasi sa Section 5 ng naturang kautusan, mandato na magbigay ng ‘economic assistance’ para sa mga nasa sektor ng transportasyon kasabay ng mataas na presyo ng gasolina.

Kung kaya’t makatatanggap ng tatlo (3) hanggangg anim (6) libo piso kada-araw ang mga drayber depende sa klase/unit bilang kabayaran sa kanilang serbisyo pagsakay ng libre sa mga pasahero.

Dahil rito’y garantisadong may aasahan kita ang mga drayber sa kabila ng hamon kinakaharap sa patuloy na pagtaas sa presyo ng gasolina.

Mag-uumpisa ang ‘libreng pamasahe’ sa lungsod ng Maynila sa susunod na linggo, araw ng Lunes at Martes Santo, ika-30 at 31 ng Marso.