Mag-aalok ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng libreng COVID-19 swab tests para sa mga estudyante na dadalo ng face-to-face classes sa mga medical schools na nasa Maynila.
Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na mas gugustuhin nitong sumailalim sa swab testing ang mga estudyante na kailangang dumalo sa physical classes para na rin sa ikapapanatag ng kanilang mga isip.
Mayroon aniyang tatlong machines at dalawang laboratoryo ang Maynila kung kaya’t kaya nitong magsagawa ng regular swab test. Hindi na rin umano kailangang alalahanin ng mga estudyante ang gagastusin dahil magiging libre na ito.
Ginawa ni Moreno ang pahayag na ito kasunod na rin nang pagpayag ng Manila City government sa University of Sto. Tomas (UST) na magsagawa ng limited face-to-face classes para sa medical at iba pang health programs ng unibersidad.
Bukas din umano ang pamahalaan ng Maynila na tumanggap ng aplikasyon mula sa iba pang unibesidad at paaralan na nais magsagawa ng face-to-face classes.