Ipinagkaloob ng bansang Japan ang mahigit apat na libong sako ng bigas para sa mga inilikas na biktima ng pag-alburuto ng bulkang Mayon.
Pinangunahan ng Japan Ministry of Agriculture-Forestry and Fisheries ang pagpapasakamay sa mga nasabing tulong sa Department of Social Welfare and Development.
Inaasahan naman ng ahensiya na madadagdagan pa ang volume ng tulong na ipagkakaloob ng Japan, matapos itong mangako ng mas marami pang tulong.
Ang pinakahuling donasyong ito kasi ng Japan ay sa ilalim ng ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR) Tier 3 Program, kung saan kabuuang 10,000 na sako ng bigas ang inisyal na nakalaan dito.
Ayon sa DSWD, malaking bilang pa rin ng mga pamilyang unang inilikas dahil sa naging epekto ng Bulkang Mayon ay nananatili pa rin sa mga evacuation center.
Marami sa kanila ang hindi pa rin pinapayagang makauwi sa kanilang mga sariling bahay, dahil sa panganib na patuloy na hatid ng Bulkang Mayon.