-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Libo-libong pamilya sa ngayon ang apektado ng malawakang baha sa North Cotabato at ilang bayan sa Maguindanao dulot ng pag-apaw ng Rio Grande de Mindanao dahil sa walang humpay na buhos ng ulan. Higit na apektado ang mga bayan ng Kabacan at Pikit sa North Cotabato kung saan lampas leeg ng tao ang baha at may mfa nasira nang kabahayan matapos na inanod. Nagmistulang dagat naman ang Brgy. Kayaga sa bayan ng Kabacan gayundin sa Brgy. Inug-og sa bayan ng Pikit kung saan ni-rescue ang ilang pamilya na na-trap sa kanilang mga bahay.

Ayon kay MDRRMO David Don Saure ng Kabacan, tumaas ang lebel ng tubig-baha dahil sa buong magdamag na walang tigil na buhos ng ulan.

May mga bahay naman na inanod ng tubig-baha sa bayan ng Montawal sa Maguindanao habang daan-daanf pamilya din sa nabanggit na lugar ang lumikas dahil sa pagtaas ng baha.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay OCD 12 Information Officer Jorie Mae Balmediano, ang nabanggit na mga lugar ay maituturing na flash flood prone areas lalo na at walang humpay ang buhos ng ulan.

Kaugnay nito, nanawgaan naman ang OCD-12 sa mga LGU na higpitan pa ang monitoring at agad na mamahagi ayuda sa mga apektadong pamilya.

Sa kasalukuyan, nanatili sa mga evacuation center at mas ligtas na lugar ang mga bakwit habang inaalam naman ang kabuuang pinsala nang malawakang baha.