-- Advertisements --

Nanawagan si House Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa national government na pahintulutan ang mga local government units na direktang makabili ng COVID-19 vaccines mula mismo sa mga manufacturers.

Nakapaloob ang apela na ito ni Rodriguez sa inihain niyang House Resolution No. 1460, kung saan hiniling din niyang payagan ang mga private companies na makabili ng kanilang sariling bakuna para labanan ang nakakahawang coronavirus.

Binigyan diin ni Rodriguez na ang dalawang apela niyang ito sa pamahalaan ay alinsunod lamang sa constitutional right ng bawat Pilipino.

Sinabi ng kongresista na ang mga LGUs ay dapat na payagan na makapag-angkat ng bakuna para sa kanilang sariling constituents dahil ang national government ang siyang bahala para sa pagbabakuna naman ng 30 hanggang 50 percent ng populasyon ng bansa.

Mahigit 30 probinsya at lungsod na aniya ang naglaan ng pondo para sa pagbili ng mga bakuna na aprubado ng Food and Drugs Administration, tulad na lamang ng Makati, Taguig at Quezon City na nagtabi na ng tig-P1 billion para sa inisyatibang ito.

Maging mga maliliit na probinsya tulad ng Biliran at Eastern Samar ay balak na ring bumili ng COVID-19 vaccines para sa kanilang mga constituents.

Sinabi ni Rodriguez na ang hakbang na ito ay makakatulong para sa pagbangon ng ekonomiya, at para na rin makabalik sa pre-2020 normality ang sitwasyon ng bansa sa oras na makamit ang inaasam na herd immunity, kung saan 80 percent ng populasyon ang nabakunahan.

Nauna nang naghain ng panukala si Rodriguez na ilibre sa buwis ang pag-aangkat nang bakuna.