Binigyang diin ng DOT na malaki ang naiaambag na role ng LGBTQIA+ sa paghubog ng global travel at tourism landscape ng Pilipinas.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, mayroong 36 million na mga LGBTQIA+ na mga manlalakbay sa buong mundo batay sa datos ng United Nations World Tourism Organization.
Aniya, makakaambag ang mga ito ng halos 200 billion dollars para sa ekonomiya ng Pilipinas at maaaring umabot pa ng half a trillion dollars paghantong ng taong 2030.
Sinabi ni Frasco na maraming oportunidad ang maitutulong ng mga ito sa ating bansa lalung-lalo na sa sektor ng turismo.
Iginiit ni Frasco, hindi lamang dahil sa ekonomiya, ngunit pangunahing naka-angkla sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. inklusibong industriya ng turismo para sa Pilipinas ang pagsisikap ng DOT na suportahan ang LGBTQIA+ community sa pamamagitan ng iba’t ibang inisyatiba tulad ng Tourism Industry Summit 2023.
Ipinahayag ng DOT chief ang kanyang pagmamahal at pasasalamat sa mga dumalo sa Tourism Pride Summit 2023, dahil napansin niya ang kahalagahan ng LGBTQIA+ community sa pagpapadali sa paglago ng turismo para sa bansa.
Ibinahagi din niya na sa DOT, ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community ay naging mahalaga sa pagkamit ng Departamento ng mga milestone sa industriya sa loob ng 50 taon ng pagkakaroon nito.