-- Advertisements --

Naniniwala si House Ways and Means Chair at Albay, 2nd district Representative Joey Salceda na panahon na para magkaroon ang gobyerno ng “lethal defense” capabilities na magagamit para madepensahan ang teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.

Ang pahayag na ito ni Salceda ay bunsod sa insidente na kinasangkutan ng Chinese Coast Guard at Philippine Navy sa West Philippine Sea kung saan pwersahan nitong kinuha ang rocket wreckage na narekober ng navy.

Agad naman naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs hinggil sa insidente.

Gayunpaman sinabi ni Salceda na hindi sapat ang diplomasiya at dapat kaakibat ng diplomacy ay ang lethal punching power.

Inihalimbawa ng mambabatas ang labanan ng Russia at Ukraine na nagpapahiwatig na ang ilang mga bansa ay maaaring mga military superpowers,ngunit ang mura ngunit nakamamatay na lethal military technology ay nakatulong sa pag balanse sa military power na pabor sa mga tagapagtanggol o defenders.

Sabi ni Salceda na siya ay umaasa na ang 2024 National Expenditure Plan ng Pangulong Bongbong Marcos ay mapasama na dito ang paglalaan ng pondo para sa coastal defense at armasan ang Philippine Navy ng mga credible firepower.

Nilinaw naman ng economist solon na hindi niya layon na palalain pa ang conflict o hidwaan sa pagitan ng China at Pilipinas, nais lamang nito na mapanatili ang kapayapaan at magandang pag-uugali ng mga magkapit bahay sa rehiyon.

Suportado din ng mambabatas ang hakbang ng Department of National Defense na makabili ng mga multirole fighters (MRFs) sa ilalim ng Horizon 3 ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program na naka iskedyul para sa taong 2023 to 2028.

Kabilang sa Horizon 3 ang provision na ang pagbili ng mga aircraft ay dapat may existing radar systems na may range na 250 nautical miles.

Kumpiyansa si Salceda na ang nasabing capabilities ay malaking tulong sa pagsasagawa ng patrulya at madepensahan ang exclusive economic zone ng bansa.