Iniimbestigahan na ngayon ng PNP Pasay ang motibo sa pamamaril sa isang abogado ng Bureau of Customs kagabi sa may bahagi ng Macapagal Boulevard sa Pasay City at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng suspek.
Ayon sa mga otoridad, ang biktima na nakilalang si Atty Joseph Zapata, 30-years old, residente ng Paranaque City at isang BOC internal and prosecution division investigator.
Batay sa imbestigasyon ng PNP Pasay, patungong south ang biktima mula sa kaniyang opisina ng bigla na lamang binaril ng gunman na nakasakay sa motorsiklo ang kaliwang bahagi ng kaniyang sasakyan.
Ang biktima ay tinamaan sa likod ng kaniyang ulo na naging sanhi ng pagbangga niya sa isa pang sasakyan.
Kaagad namang dinala sa hospital si Atty Zapata para sa medical treatment.
Nakikipag-uganayan na ang Pasay City Police at mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa imbestigasyon sa naganap na insidente.
Ayon naman kay BOC intelligence and investigation service director Jeoffrey Tacio, hiniling na nila ang tulong ng National Bureau of Investigation hinggil sa insidente.
Sinabi ba ni Tacio, na kanilang tinitingnan ang lahat ng hawak na kaso ni Atty Zapata at mula duon ay magsasagawa sila ng backtrack kung may kinalaman pa sa trabaho ang pagkakabaril sa kaniya at ang iba pang posibleng anggulo.
Nabatid na ito na ang ika-6 na insidente ng pag-atake sa mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) mula noong buwan ng December 2021, kung saan karamihan dito ay nasawi.
Matatandaan na nuong buwan ng Pebrero, isang granada ang inihagis sa gate mismo ng Bureau of Customs sa Manila.