Ipinahayag ni Atty. Mark Tolentino na hindi tama at labis ang pahayag ni dating Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na tinawag na “palpak” ang legal team ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa dahil sa paghahain ng certiorari na may kasamang TRO imbes na habeas corpus.
Ayon kay Tolentino, ang writ of habeas corpus ay hindi maaaring basta-basta gamitin kung wala pang aktuwal na pag-aresto o pagkakakulong, dahil ito ay nakalaan upang subukin ang legalidad ng detensyon.
Aniya, kung wala pang arrest warrant na naipatupad, premature umano ang habeas corpus, samantalang ang certiorari, prohibition, mandamus, at injunctive relief ay mga remedyo na ginagamit upang pigilan ang isang iligal o unconstitutional na aksyon bago ito maisakatuparan.
Binigyang-diin ni Tolentino na hindi dapat gawing simpleng soundbite ang debate sa legal na remedyo, dahil nakadepende ito sa yugto ng kaso: bago ang pag-aresto, maaaring gamitin ang certiorari o TRO; pagkatapos ng pag-aresto, saka lamang maaaring gamitin ang habeas corpus.
Wiak pa nito, hindi magkaaway ang certiorari at habeas corpus, kundi magkaibang remedyo na gumagana sa magkaibang pagkakataon—ang una ay pumipigil sa iligal na aksyon, habang ang ikalawa ay tumutugon sa iligal na detensyon.
Dagdag pa niya, ang mas makatarungang batikos ay kung maayos bang nailatag ang petisyon, kung naisama ang lahat ng kinakailangang partido, at kung malinaw na naipaliwanag ang mga isyung konstitusyonal.
Sa huli, iginiit ni Tolentino na ang legal na estratehiya ay dapat suriin batay sa tamang proseso, timing, hurisdiksiyon, at pangangailangang konstitusyonal, hindi sa mga pahayag na may halong pulitika.















