Humagod ng 23 points si Will Barton, nagdagdag ng 19 si Gary Harris upang tuldukan ng Denver Nuggets ang kanilang three-game losing streak sa 115-99 panalo kontra sa Los Angeles Lakers.

Ito’y kahit na inokupahan na ni LeBron James ang fourth place sa career scoring list ng NBA, makaraang mahigitan ang 32,292 points ni Michael Jordan sa pamamagitan ng driving layup nito noong second quarter.

Dahil dito, nauuna na lamang kay James sina  Kareem Abdul-Jabbar (38,387 points), Karl Malone (36,928) at Kobe Bryant (33,643).

Umiskor ng 31 points si James, ngunit hindi ito naging sapat upang iahon ang Lakers, na mayroon nang ikaapat na dikit na pagkabigo.

Nabura ng Los Angeles ang kanilang 23-point deficit ngunit kinapos na pagsapit ng huling yugto.

Nagtala ng 19 points si Jamal Murray, maging ni Nikola Jokic na may 12 points, 17 rebounds at walong assists para sa Nuggets (43-21).

Mayroon namang 16 markers si JaVale McGee para sa Lakers (30-35), na sumabak kahit wala ang ilan nilang mga starters gaya nina Brandon Ingram, Kyle Kuzma at Lonzo Ball.