-- Advertisements --

Pormal nang inanunsyo ni NBA superstar LeBron James ang kanyang paglipat sa Philadelphia 76ers para sa kanyang ika-24 na season sa liga, na lalo pang magpapahaba sa kanyang record bilang manlalarong may pinakamaraming season sa kasaysayan ng NBA.

Inihayag ni James ang kanyang desisyon nitong Biyernes sa pamamagitan ng social media, kung saan sinabi niyang ang paglipat sa 76ers ang magiging huli niyang desisyon.

Ayon kay LeBron, hindi pera o personal na dahilan ang nagtulak sa kanya para lumipat ng kopunan kundi ang hangaring muling makipagkumpitensya at magkaroon ng pagkakataong manalo ng isa pang kampeonato.

Aniya, naniniwala siyang makatutulong siya upang maging isang championship contender ang Philadelphia 76ers at inaasahan niyang makasama ang bagong fan base sa nalalabi niyang panahon sa NBA.

Ginugol ni LeBron ang nakaraang walong season sa Los Angeles Lakers, kung saan pinangunahan niya ang koponan sa NBA championship noong 2020.

Bago ito, naglaro siya sa dalawang magkahiwalay na season sa Cleveland Cavaliers at apat na season kasama ang Miami Heat.

Sa edad na 41, patuloy na nagpapakita si LeBron ng mataas na antas ng paglalaro. Noong Marso, nalampasan niya ang record ni Robert Parish para sa pinakamaraming regular season games na nalaro sa kasaysayan ng NBA.