Maging sa ilang celebrities ay nakarating na rin ang nagti-trending online na mga kapuna-punang pagkakamali sa ilang learning modules ng Department of Education (DepEd).
Tulad na lamang ni Lea Salonga na ipino-post din sa kanyang Facebook page, ang naturang mga wow mali na ginagawang katatawanan ng mga netizens.
Isa rito ay ang larawan ng owl o kuwago, na mayroong label bilang ostrich.
Nanlaki rin daw ang kanyang mata sa statement na halimbawa ng letrang L ay rabbit, gayundin ang color matching pero hindi naman colored ang pagkaka-print sa mga nakaguhit na krayola.
Para sa 49-year-old Tony Award-winning actress/singer, nakakatakot na baka maging never ending o wala nang katapusan ang kontrobersya.
Matatandaang ipina-distribute ang mga printed modules ng DepEd ngayong taon upang magsilbing alternative learning delivery mode lalo sa mga estudyanteng walang gadget at hindi maganda ang internet connections.
Una nang pinagpiyestahan ang ahensya nang kumalat ang batch ng learning modules na may malisosyong pangalan gaya ng Pining Garcia, Malou Wang, Abdul Salsalani, at Tina Moran.
Pero nilinaw ng DepEd na hindi sa kanila ang ideya ng naturang mga pangalan.