-- Advertisements --

DAVAO CITY – Arestado ang isang lalaki matapos mag-amok dahil hindi raw kasali ang kanyang pangalan sa listahan ng Social Amelioration Program (SAP) beneficiary.

Kinilala ang suspek na si Ferdinand Darapisa Sibayab, 40, nakatira sa Purok 4, New Murcia, Matanao, Davao del Sur.

Batay sa police blotter, lasing umano ang suspek nang pinuntahan ang bahay ng Purok secretary na si Marina Mamac.

Nag-amok umano ito at inakusahan si Mamac na siyang dahilan kung bakit wala itong natanggap sa Social Amelioration Program dahil hindi siya isinali sa listahan ng mga beneficiary.

Pagmumultahin ang suspek at papatawan ng limang araw na Community Service sa kanilang barangay dahil sa paglabag sa ipinatupad na liquor ban habang nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine ang buong rehiyon.

Nanawagan naman ang otoridad sa publiko na kung may reklamo tungkol sa ayuda na ipinamimigay ng gobyerno ay huwag idaan sa init ng ulo at lalong huwag gamitin ang social media, bagkus ay dumulog sa tamang ahensiya na mas makakatulong sa kanilang problema.