Tinawag na fake news ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang mga kumakalat na larawan sa social media hinggil sa pagtatapon umano ng mga barko ng China ng dumi ng tao sa West Philippine Sea.
Ayon sa kalihim, ang mga kumalat na larawan ay hindi sa West Philippine Sea kundi sa Great Barrier Reef na nasa Australia at kuha noon pang Oktubre 2014.
Nakasaad sa larawan na hindi rin human waste, kundi mga hinukay na lupa dulot ng dredging ang itinapon sa Great Barrier Reef na sa unang tingin ay dumi ng tao.
Una rito, inilabas sa ulat ng website na Simularity.com ang ginagawang paglapastangan umano ng Tsina sa mga artipisyal na isla at bahurang nakapaloob sa West Philippine Sea.
Dahil dito, nanawagan si Lorenzana sa publiko na huwag basta-basta pumatol sa mga nagpapakalat ng maling balita sa social media lalo’t kung gumagamit ng mga lumang larawan.
Sinabi ng kalihim, bagama’t fake news ito kanila pa rin kinukumpirma ang nasabing ulat at kung mayroon itong katotohanan makakasira ito sa marine ecology ng rehiyon.
“Be that as it may I have directed the Western Command who has jurisdiction over the WPS to verify and investigate,” pahayag ni Lorenzana.
Dagdag pa ng kalihim, “while we are confirming and verifying these wastes being dumped in the WPS, we consider such irresponsible acts, if true, to be gravely detrimental to the marine ecology in the area. Despite conflicting claims and interests by states in the West Philippine Sea, all nations must be responsible stewards of our natural resources and environment.”