-- Advertisements --

Kahit hindi pa nakakapag-landfall ang Bagyong Ramon, marami nang mga indibidwal ang naapektuhan.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa mahigit 3,000 indibidwal o katumbas ng mahigit 800 pamilya sa Region 2 at Region 5 ang apektado ng masamang lagay ng panahon.

Sa naturang bilang, mahigit 1,000 indibidwal o katumbas ng halos 300 pamilya ang nanunuluyan sa mga temporary shelter sa 20 evacuation center.

Sinabi rin ng NDRRMC na mayroong 16 na bahay sa Region 5 ang sinira ni “Ramon.”

Habang mayroon namang 19 na road sections at tulay sa Region 2, Region 5 at Cordillera Region, ang binaha at pahirapan ang pagdaan ng mga sasakyan.

Maliban sa mga pagbaha, binabantayan din ng NDRRMC ang mga pagguho ng lupa.

Ito’y sa gitna pa rin ng pananalasa ng Bagyong Ramon na tinutumbok ang malaking bahagi ng Luzon.

Ayon kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, nakaalerto ang kanilang emergency response team sa anumang pangangailangan.

Nabigyan na rin umano ito ng mga instruction na tignan ang mga landslide prone area sa bawat rehiyon dahil lumambot na ang mga lupa sa lugar na unang tinamaan ng Bagyong Quel.

Payo ng NDRRMC sa publiko, mag-antabay sa abiso ng mga local DRRM offices at maghanda sa paglikas kung kakailanganin.

Una nang tinukoy ng Mines and Geosciences Bureau ang 420 na barangay sa Regions I, II, V at CAR na delikado at may banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.