LEGAZPI CITY – Inaalam na ng mga otoridad ang motibo ng pagpaslang sa isang lalaki na natagpuan ng walang buhay sa Jovellar, Albay.
Kinilala ang lalaki na si Charlie Marciada, 40, residente ng Donsol, Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sinabi ni Joverllar PNP chief police Capt. Millard Bongalon na posibleng itinapon lang sa lugar ang bangkay at hindi talaga residente roon.
Batay sa ulat, may mga tama ng bala sa dibdib, may sugat sa ulo at nakaposas ang kamay ni Marciada nang isailalim sa autopsy.
Posibleng nakuha raw ng biktima ang tama sa ulo sa pamamagitan ng pagpukpok dito ng matigas na bagay.
Labis naman ang hinagpis ng live-in partner ni Marciada nang malaman ang sinapit nito.
Ayon sa kanya, October 31 nang magpaalam ang biktima para magpakain ng kanilang alagang baboy pero hindi na raw ito umuwi.










